Binigyang-diin ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada na nakadepende sa mayorya ng mga senador ang magiging kapalaran ng panukalang budget ng Office of the Vice President (OVP).
Ito ay matapos ang naging mga pahayag ni Vice President Sara Duterte laban kina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at House Speaker Martin Romualdez.
Sa ngayon ayon kay Estrada, ay hindi pa nagkakausap ang majority bloc ng mga senador tungkol budget ng OVP.
Nilinaw naman ng senador na hindi siya kasama sa pitong senador na nakausap ni Senador Joel Villanueva at nagsabing may intensyon silang dagdagan ang panukalang 2025 budget ng OVP.
Matatandaang nasa P2 billion ang orihinal na panukalang alokasyong pondo na binibigay sa OVP sa ilalim ng National Expenditure Program (NEP) o ang budget na mula sa ehekutibo.
Tinapyasan ito ng kamara at ginawang P733 million na lang sa ilalim ng 2025 General Appropriations Bill (GAB), na in-adopt naman ng Senate committee on finance.| ulat ni Nimfa Asuncion