Malaking tulong hindi lang para sa mga mamimili ngunit lalo sa mga magsasaka ang pagbubukas ng dagdag na Kadiwa stores ayon kay Navotas Rep. Toby Tiangco.
Kasunod na rin ito ng plano ng Department of Agriculture na magtatag ng 71 pang Kadiwa sites sa mga pangunahing lungsod sa labas ng NCR bago matapos ang taon.
Punto niya, napatunayan ng administrasyong Marcos na kayang ibaba ang presyo ng prutas, gulay at iba pang pagkain sa pamamagitan ng Kadiwa habang lumalaki naman ang kita ng mga magsasaka.
Direkta na kasi nilang naibebenta ang kanilang ani dahil walang middleman.
Target naman ng Marcos administration na makapagtatag ng 1,500 na Kadiwa sites sa buong bansa pagsapit ng 2028.
“With agricultural products priced 20 to 30 percent lower than market rates, we hope to bring these stores closer to more communities,” sabi pa ni Tiangco. | ulat ni Kathleen Forbes