Itinutulak ng Office of Civil Defense (OCD) ang paggamit ng centralized national 911 system na siyang iisang takbuhan ng mga Pilipino para sa pagtugon sa krimen at disaster emergency.
Ito ang inihayag ni OCD Administrator, Undersecretary Ariel Nepomuceno makaraang samahan nito si National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Vice Chairperson at Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla sa isinagawang aerial inspection sa mga lugar na sinalanta ng Super Bagyong Pepito.
Ani Nepomuceno, nagkakaisa sila ni Remulla sa adhikaing maging simple at mabilis ang pagtugon ng pamahalaan sa mga sumbong, reklamo, at paghingi ng tulong ng mga Pilipino.
Giit pa ng opisyal, kaniya-kaniyang toka ang bawat ahensya ng pamahalaan gaya ng Department of Science and Technology (DOST), DILG, Department of Social Welfare and Development (DSWD), at National Economic and Development Authority (NEDA) sa pagtugon sa kalamidad bilang bahagi na rin aniya ng Whole-of-Government approach.
Bilang secretariat naman ng NDRRMC, sinabi ni Nepomuceno na nagsisilbing tagapag-ugnay ang OCD sa mga nabanggit na ahensya para sa mabilis na pagkilos at pagpapaabot ng tulong sa mga apektadong komunidad.
Kaya sa pamamagitan aniya ng 911 system, sinabi ni Nepomuceno na makatutulong ito upang makamit ang adhikain na mas mapabilis pa ang pagresponde sa panahon ng kalamidad. | ulat ni Jaymark Dagala