Binigyang-diin ngayon ni Leyte 1st District Representative at House Speaker Martin Romualdez ang kahalagahan ng pagiging handa sa epekto ng climate change.
Ito ang kaniyang mensahe sa ika-11 taong paggunita sa pananalasa ng bagyong Yolanda.
Aniya, nindi na dapat maulit pa ang trahedyang naganap noong panahon ng Yolanda kaya dapat ay gaano man kalakas ang bagyong darating, ay handa ang lahat.
Kaya naman bilang mga mambabatas na may tungkulin na siguraduhin ang kaligtasan ng bawat Pilipino, ay nagpasa sila ng mga lehislasyon at proyekto na mapakikinabangan.
Isa na rito ang 38.12-km Leyte Tide Embankment Project o ang malawakang seawall na proteksyon mula sa storm surges.
Hinihintay na lang din ang paglagda ng Pangulo sa Ligtas Pinoy Centers Act na magtatayo naman ng permanent at disaster resilient na evacuation centers sa lahat ng munisipalidad at lungsod sa buong bansa.
Paalala pa ni Romualdez na upang hindi na maulit ang trahedya ng Yolanda kailangan ng mga pangmatagalang solusyon na nakatuon sa katatagan at adaptation at palakasin ang kapabilidad ng mga komunidad pagdating sa disaster preparedness.
“Hindi sapat na tayo ay maghanda lamang para sa susunod na sakuna; kailangan natin ng mga istrukturang pangmatagalan na tatagal laban sa anumang bagyo o kalamidad. We are determined to equip our cities and municipalities with the resources they need to withstand the challenges posed by climate change,” sabi ni Speaker Romualdez.
Patuloy din aniya silang nakikiisa sa mga nawalan ng mahal sa buhay dahil sa bagyo.
“Hindi namin kayo pababayaan. We are here to make sure that no one is left behind as we move forward,” sabi pa niya. | ulat ni Kathleen Jean Forbes