Dapat na mag-adopt ang bansa ng mga makabagong disensyo ng infra projects para sa flood control at slope protection, na kayang makasabay sa banta na dala ng Climate Change.
Sa ganitong paraan, ayon kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., hindi mao-overwhelm o hindi mabibigla ang mga flood control project sa bansa, sa bigat o laki ng volume ng tubig ulan na ibinu-buhos ng mga kasalukuyang sama ng panahon.
Sa media interview sa Laurel, Batangas, matapos ang pamamahagi ng iba’t ibang government assistance sa mga biktima ng Bagyong Kristine, sinabi ng pangulo na ang ibinubuhos na volume ng ulan ng mga kasalukuyang sama ng panahon, ay mas matindi na.
“Kaya’t ‘yung flood control ginawa natin para sa mga baha kagaya ng Ondoy. Bago ito. Kausapin niyo ‘yung mga tao. Iyong mga lugar na gumuho ang lupa, ngayon lang nangyari ‘yan, hindi pa nangyari sa buong buhay nila, sa buong kasaysayan ng mga lugar na ‘yun na gumuho ang lupa dahil napakalaki ng tubig. Tapos ‘yung mga nabaha, ganoon din. Bumabaha siguro dati pero hindi ganito kalaki. Nagbago talaga ang panahon. Kaya ‘yung climate change na aming pinag-uusapan ay talagang naging — nakikita na natin.” —Pangulong Marcos.
Hindi pa aniya ito naranasan sa Pilipinas noon, maging ng mga ibang bansa.
“Tingnan ninyo hindi lamang dito. Nakita niyo ba ‘yung nangyari sa Espanya? Nakita niyo ba ‘yung mga nangyayari sa iba’t ibang lugar? Sa States ‘yung mga nangyayari? Ganyan din. Doon din sa mga lugar na ‘yun ay ngayon lang nangyari ‘yan,” -Pangulong Marcos.
Dahil dito, kailangan na aniyang gamitan ng siyensya ang gagawing pagtugon ng pamahalaan sa mga hamong ito, na pinalalala ng pagbabago ng panahon.
“Kaya’t gagawin natin babaguhin natin ang mga design, patitibayin natin ‘yang mga infrastructure, mga flood control, ‘yung mga slope protection, pati ‘yung mga tulay, lahat ‘yan kailangan nating baguhin. Tingnan natin ang mas magandang design.” -Pangulong Marcos.
Sabi ng pangulo, dapat maging mas matalino ang bansa, at gamitin ang makabagong teknolohiya, upang mapagaan ang epekto ng Climate Change.
“We have to be smarter, we have to be more technologically aware of what is available so that we can reduce the effects,” -Pangulong Marcos. | ulat ni Racquel Bayan