Hindi totoo ang balitang tuluyan nang sinibak si PMGen. Sidney Hernia sa National Capital Region Police Office (NCRPO).
Ayon kay Philippine National Police (PNP) Spokesperson PBGen Jean Fajardo, patuloy pa rin ang imbestigasyon ng PNP na pinamumunuan ni PNP Deputy Chief for Operation PLtGen. Michael John Dubria.
Kasama sa iniimbestigahan sina Hernia at PNP-Anti-Cyber Crime Group Director PMGen. Ronnie Cariaga.
Nananatiling suspendido ang dalawa sa loob ng 10 araw na magtatapos sa November 17.
Malalaman ang magiging kapalaran nina Hernia at Cariaga pagkatapos ng imbestigasyon.
Nabatid na iniutos ni PNP Chief PGen. Rommel Francisco Marbil ang imbestigasyon dahil sa isyu ng pagsalakay sa Century Peak Tower sa Adriatico, Maynila noong October 29.
Kabilang sa iniimbestigahan ay kung may pagkukulang ang dalawang opisyal sa ginawang pagsalakay ng kanilang mga tauhan sa ika-23 palapag ng naturang gusali, kung saan umano’y may nag-ooperate ng love scam at crypto currency scam.| ulat ni Diane Lear