Bbinigyang diin ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada ang kahalagahan na mapaglaanan ng pondo sa pambansang pondo sa susunod na taon ang pagtitiyak na magiging handa ang mga first responders ng bansa laban sa anumang chemical attacks.
Pinunto ni Estrada na wala kasing alokasyon sa ilalim ng 2025 budget bill para sa paghahanda sa anumang chemical, biological, radioactive at nuclear incidents at sa pagtugon sa weapons of mass destruction.
Ayon sa senador, kung hindi ito popondohan ay balewala rin ang isinusulong niyang Senate Bill 2871 o ang panukalang Chemical Weapons Prohibition Act.
Layon nito na ituring na krimen ang paggamit at pag-manufacture ng chemical weapons.
Pinaalala rin ng mambabatas na tatlong dekada na ang nakakaraan nang pumirma ang Pilipinas sa 1993 Chemical Weapons Convention (CWC) at hanggang ngayon ay kinakailangan pang gampanan ng Pilipinas ang obligasyon natin sa ilalim ng tratado na alisin ang chemical weapons.
Samantala, isinusulong rin ni Estrada ang pag-upgrade ng Armed Forces of the Philippines (AFP) Medical Center o mas kilala bilang V. Luna General Hospital.
Kailangan aniyang tiyakin na sapat ang mga kagamitan sa naturang ospital na pangunahing tumutugon sa medical needs ng ating mga sundalo.| ulat ni Nimfa Asuncion