Nananatiling prayoridad ng Pamahalaan ang paglikha ng mga dekalidad na trabaho gayundin ang pagpapataas sa suweldo ng mga manggagawang Pilipino.
Ito ang tinuran ng National Economic and Development Authority (NEDA) kasunod ng ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) hinggil sa pagtaas ng Employment rate o bilang ng mga Pilipinong may trabaho.
Ayon kay NEDA Sec. Arsenio Balisacan, hindi tumitigil ang Pamahalaan sa paghahanap ng solusyon upang bigyang pagkakataon ang mga Pilipino na makakuha ng mga disente at dekalidad na trabaho.
Patuloy aniya ang kanilang pakikipag-ugnayan sa pribadong sektor upang mabigyang pagkakataon ang mga Pilipino na magamit at pandayin ang kanilang kakayahan.
Batay sa pinakahuling Labor Force survey ng PSA, mahigit sa 2 milyong Pilipino ang nagkaroon ng trabaho nitong Setyembre na dahilan upang bumaba ang unemployment rate o bilang ng mga walang trabaho sa 3.7%. | ulat ni Jaymark Dagala