Ipagpapatuloy lamang ng pamahalaan ang pagpapaabot ng tulong sa mga Pilipinong sinalanta ng magkakasunod na bagyong tumama sa Pilipinas, hangga’t nangangailangan pa ng tulong ang mga ito, mula sa impact ng mga nagdaang bagyo.
“Pati ‘yung mga na-displace, na nawalan ng tirahan, na napunta sa bahay ng kanilang kapitbahay, ng kanilang kamag-anak, ng kanilang kaibigan ay bibigyan rin natin ng food pack at tuloy-tuloy ang suporta po na ating gagawin.” —Pangulong Marcos.
Ito ang binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., sa distribusyon ng government assistance, sa Virac, Catanduanes, ngayong araw (November 19), kasunod ng pananalasa ng nagdaang Super Typhoon #PepitoPH.
Sabi ng Pangulo, walang deadline ang pamamahaging ito ng tulong ng gobyerno.
Hangga’t kailangan aniya ng food packs ng mga biktima ng bagyo, maaasahan nila ang pamahalaan.
“Walang deadline po ito. Hangga’t kailangan ninyo na magkaroon pa ng food pack, magpapadala pa rin kami.” —Pangulong Marcos.
Hindi rin aniya pababayaan ng gobyerno ang mga indibiwal o pamilya na wala sa evacuation centers, ngunit nakikituloy muna sa kanilang mga kaanak o kaibigan.
Kung matatandaan, nasa PhP50 million na pondo mula sa Office of the President (OP) ang ipinagkaloob ni Pangulong Marcos, ngayong araw, sa Catanduanes LGU, para sa pagpapabilis ng recovery ng mga komunidad sa lugar, mula sa hagupit ng nagdaang Super Typhoon Pepito.| ulat ni Racquel Bayan