Pinapurihan ng liderato ng Philippine National Police (PNP) ang ginawang pagsalakay ng mga awtoridad kamakailan sa Century Peak Tower Condominium sa Maynila noong isang linggo.
Sa isang pahayag, sinabi ni PNP Chief, Police General Rommel Francisco Marbil na ang paglansag ng kanilang Anti-Cybercrime Group (ACG) sa tinaguriang “mother of all scam hubs” ay patunay ng kanilang committment na supilin ang pamamayagpag ng POGO sa bansa.
Binigyang-diin pa ni Marbil na katuwang ng PNP-ACG ang National Bureau of Investigation (NBI) sa naturang operasyon at patuloy pa nilang lalansagin ang iba pang iligal na POGO sa susunod na dalawang buwan.
Nagpasalamat din ang PNP Chief sa Lokal na Pamahalaan ng Maynila sa pangunguna ni Mayor Honey Lacuna sa suportang ibinigay nito upang tuparin ang atas ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kanyang State of the Nation Address (SONA) na ipasara ang lahat ng POGO.
Magugunitang naging katuwang ng PNP-ACG ang National Capital Region Police Office (NCRPO) sa paglansag sa iligal na scam hub sa Century Peak Tower kung saan, daan-daan ang naaresto kabilang na ang 69 na dayuhan. | ulat ni Jaymark Dagala