Pinatitiyak ng Department of Education (DepEd) sa mga Regional at Schools Division Office nito ang tinatawag na “learning continuity” sa mga paaralan.
Ito ang direktiba ni Education Secretary Sonny Angara matapos ang sunod-sunod na bagyong tumama sa bansa kung saan, ang pinakahuli rito ay ang Super Bagyong Pepito.
Ayon sa kalihim, dapat magpatupad ng Alternative Delivery Modes ang mga paaralan, gamit ang pinakamainam na learning delivery methods sa kanilang nasasakupan.
Kaugnay nito, inatasan din ni Angara ang mga DepEd Field Office na makipag-ugnayan sa Local Government Units para sa clean-up operations, minor repairs, at sa paglalaan ng temporary learning spaces kung kinakailangan.
Samantala, pinagsusumite rin ng kalihim ang mga Regional Field Office ng DepEd ng Daily Situation Reports hinggil sa epekto ng bagyo sa mga paaralan at mga mag-aaral.
Inatasan din ni Angara ang kanilang School Disaster Risk Reduction teams na magsumite ng Rapid Assessment sa pinsalang idinulot ng bagyo sa mga paaralan gamit ang kanilang RADaR application o offline template. | ulat ni Jaymark Dagala