Kukwestiyunin ni Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa kung sakaling magbibigay ang Senado sa International Criminal Court (ICC) ng kopya ng transcript ng naging pagdinig ng Senate Blue Ribbon Subcommittee tungkol sa war on drugs.
Ayon kay dela Rosa, kung papayagan ito ng liderato ng senado ay kukwestiyunin niya kung anong hurisdiksyon mayroon ang ICC para gawin ito.
Bago rin aniya mag-certify ng transcript ng pagdinig kailangan munang tanungin kung saan ito gagamitin at kung saan ito dadalhin.
Giniit ni dela Rosa, na hindi dapat payagan ang pagsertipika sa transcript kung sasabihin na sa ICC ito gagamitin.
Ipinunto ng senador, na matagal nang kumalas ang Pilipinas sa ICC kaya naman ang pagsumite ng transcript dito ay katumbas na rin ng pagkilala sa hurisdiksyon nila sa Pilipinas.
Hiling nito sa liderato ng senado, maging consistent sa nauna nang posisyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at ng Executive branch, na hindi na kinikilala ng ating pamahalaan ang ICC. | ulat ni Nimfa Asuncion