Tinatayang aabot sa 30,000 hanggang 52,000 indibidwal ang posibleng masawi habang mahigit 162,000 naman ang posibleng masugatan sa sandaling tumama sa bansa ang pinangangambahang the Big One kung hindi magiging handa.
Kaya naman inihayag ng Office of Civil Defense (OCD) na kailangang maitaguyod ang culture of resilience sa mga Pilipino na siyang layunin ng isasagawang 4th Quarter Nationwide Simultaneous Earthquake Drill (NSED) ngayong araw.
Ayon kay OCD Administrator, Undersecretary Ariel Nepomuceno, marami pa rin kasi ngayon ang tila hindi sineseryoso ang mga ikinakasang disaster drill gayundin sa mga ipinakakalat nilang mobile alert.
Muli ring ipinaalala ni Nepomuceno sa mga may-ari ng mga bahay at gusali ang kahalagahan ng pagsunod sa umiiral na building code gayundin ng mga solusyong nakabase sa agham o siyensiya upang mapatatag ang mga ito.
Batay sa pagtaya, mayroong mahigit dalawang milyong istruktura ang malapit o nakapuwesto mismo sa fault lines mula Bulacan hanggang Laguna.
Ngayong araw, tampok sa isasagawang NSED ang mga dapat gawin sakaling magkaroon ng tsunami sa sandaling tumama ang Magnitude 6.8 na lindol sa karagatan gayundin ang pagpapaalala sa mga dapat isaalang-alang sa pagputok ng bulkan. | ulat ni Jaymark Dagala