Itinuturing na seryosong banta ng Malakanyang sa kaligtasan ng Chief Executive ang binitiwang salita ni Vice President Sara Duterte.
Ayon sa Presidential Communications Office, anumang banta na may kinalaman sa buhay ng presidente ay hindi maaaring ipagkibit-balikat lalo’t ang salitang binitiwan ng ikalawang pangulo ay ginawa sa publiko.
Inihayag kasi ng bise presidente na may kinuha siyang assassin para patayin ang Pangulo sakaling magtagumpay ang isang plot laban sa kanya.
Kaugnay nito’y sinabi ng PCO na kumilos na ang tanggapan ng Executive Secretary ukol dito at iniugnay na sa Presidential Security Command ang aniyay active threat kay Pangulong Marcos. | ulat ni Alvin Baltazar.