Tiniyak ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) na sapat ang mga asset ng pamahalaan upang alalayan at tugunan ang mga pamilya at komunidad na pinaka-apektado ng bagyong Marce.
Sa press briefing sa Malacañang (November 8), sinabi ni NDRRMC Undersecretary Ariel Nepomuceno, na may dedicated teams ang itinalaga sa Region I, II, at Cordillera Administrative Region (CAR).
“From the AFP (Armed Forces) for regions I, II, and CAR, mayroong dedicated teams diyan na 1,210 teams, 1,364 vehicles and 88 land assets, water crafts, aircraft dedicated for that. So more than enough naman,” -Nepomuceno.
Ang Philippine Coast Guard, naglaan aniya ng 81 land assets at 132 watercraft upang tulungan ang Region I, II, at CAR.
Ang Philippine National Police (PNP), handa ring i-deploy ang kanilang 10,000 personnel para sa disaster response kung kailangan.
Bukod dito, siniguro rin ng opisyal na tuloy-tuloy lamang ang ginagawang paghahanda ng pamahalaan, sa harap na rin ng mga sama ng panahon na posible pang pumasok sa Pilipinas.
“Ang susi talaga, ng natutunan namin sa paghahanda, iyong prepositioning of the relief goods for them. Ang DSWD, ang target niya at any given time, around two million family food packs ang nakalatag in their warehouses. ‘Pag nagkulang sa isang area, kukunin lang sa kabilang area naman iyon. Ang ginagampanan naman ng Office of Civil Defense, is to make sure on the logistic side, makarating sa pupuntahan iyong mga galing ng DSWD. So, ang susi iyong prepositioning of the relief goods.” —Usec Nepomuceno. | ulat ni Racquel Bayan