Tinawag ni Ako Bicol Party-list Rep. Jil Bongalon na hindi angkop o inappropriate ang mga pahayag ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na nananawagan ulit sa militar na bawiin ang suporta sa pamunuan ni Pang. Ferdinand R. Marcos Jr.
Sabi ni Bongalon, bilang naging dating chief executive, hindi maganda na siya pa mismo ang nananawagan para kumalas ng suporta sa commander-in-chief.
Dagdag pa niya na ipinapakita nito na hindi sila kaisa sa pagkakaroon ng pagkakaisa at kapayapaan sa bansa bagkus ay nais lamang manggulo.
“Para sakin hindi akma sa isang naging chief executive, naging isang presidente na may taong mananawagan na hikayatin na mag-withdraw ng kanilang suporta sa kanila pong commander-in-chief. Alam po yan ni PRRD bilang isang naging commander-in-chief na isa sa mga ayaw mong mangyari ay kumalas ng suporta ang ating mga militar. So, i guess that is an inappropriate statement ng isang naging dating presidente at naging commander-in-chief ng ating bansa dahill kung ganyan, again we are not calling for peace and unity in our country. Mas lalo mo pang hinihikayat na magkaroon ng gulo, away sa ating hong bansa.” Sabi ni Bongalon.
Duda niya, ginagamit lang ito ng dating pangulo para ilihis ang atensyon mula sa kaniyang anak na si Vice Pesident Sara Duterte.
Ganito rin ang pagtaya ni Zambales Rep. Jay Khonghun.
Sabi niya, tinutulungan na lang ng dating punong ehekutibo na matabunan ang mga isyung kinakaharap ngayon ng kaniyang anak.
“Kailangan niya ng tulong ng kanyang ama para tulungan ang anak na pagtakpan kung ano man yung kinaharap ng ating Vice President. Isa lang ang masasabi natin. Explain lang niya kung paano ginamit ang confidential fund. Yan na yan. Hindi na natin kailangan ng mga salita na hindi nakakatulong sa ating bayan at lalong nakakapagbigay ng division sa ating mamamayan.” Punto ni Khonghun.
Sa panig naman ni 1Rider party-list Rep. Rodge Gutierrez, sinabi niya na hindi na dapat pagtuunan ng atensyon ang mga salita ng dating pangulo.
Ilang beses na rin naman aniya kasi niya ito binibitiwan, ngunit tiwala siyang hindi naman ito susundin ng ating AFP.
“This isn’t the first time na we’ve had this statement. And I recall nangyari po ito last time parang inciting to sedition yung what was tagged to it. Pero at this point puro hyperbole. I’m not sure if it should even be dignified with a serious consideration…I also full trust and confidence in our Armed Forces that they will stay true to their oath to protect and uphold the Constitution.“ saad ni Gutierrez. | ulat ni Kathleen Forbes