Nakikiisa si Senador Joel Villanueva sa panawagan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., lalo na sa mga kawani ng gobyerno, na gawing simple na lang ang pagdiriwang ng Pasko ngayong taon.
Giit ni Villanueva, ang kahulugan ng Pasko ay hindi lang tungkol sa mga handa at regalo kundi sa paggunita ng kapanganakan ng ating Panginoong Hesu Kristo.
Mahalaga aniya ang pagtulong sa mga nangangailangan lalo ngayon sa mga kababayan nating nasalanta ng sunod-sunod na mga bagyo at kalamidad na dumaan sa bansa.
Kasabay nito ay nagpasalamat ang senador sa mga ahensya ng gobyerno, mga lokal na pamahalaan at sa mga pribadong sektor at NGO na patuloy na nagpapaabot ng tulong sa mga kababayan nating nasalanta ng bagyo.
Una nang nanawagan ang Malacañang sa mga ahensya ng gobyerno na iwasan ang marangyang paggastos sa pagdiriwang ng araw ng Pasko at magbigay na lamang ng donasyon sa mga nasalanta ng sunud-sunod na bagyo.| ulat ni Nimfa Asuncion