Pormal na inihain ngayon ng House Quad Committee ang House Bill 11043 na layong i-institutionalize ang pagbawi sa mga real estate at iba pang ari-arian na iligal na nabili o nakuha ng mga dayuhan.
Ang Civil Forfeiture Act ay resulta ng pag iimbestiga ng komite sa iligal na operasyon ng POGO sa bansa at mga krimen na inuugnay sa kanila.
Kabilang na dito ang paggamit ng mga pekeng dokumento para makabili ng mga lupain.
Pinalalakas ng panukala ang probisyon ng saligang batas na nagbabawal sa mga dayuhan na makabili o mag may ari ng lupa.
Matatandaan na noong October 21, isinumite ng Quad Comm sa Office of the Solicitor General (OSG) ang mga mahahalagang dokumento at impormasyon para sa posibleng ligal na hakbang laban sa mga Chinese national na gumamit ng pekeng Filipino citizenship para makabili ng lupa at makapagtayo ng negosyo sa Pilipinas.
Anomang lupain na inilipat o nabili ng isang unqualified foreign national ay ituturing na null and void at ang OSG katuwang ang DOJ ay magkakasa ng civil forfeiture proceedings.
Anomang mababawing lupa ay ire-repurpose gaya ng pamamahagi nito sa kwalipikadong magsasaka sa ilalim ng Department of Agrarian Reform o kaya’y gagamitin bilang eskuwelagan, ospital o kahalintulad. | ulat ni Kathleen Forbes