Tuluyan nang nakalusot sa Kamara ang panukalang batas para bawasan ang ipinapataw na bayarin sa pagpapadala ng remittance ng mga OFW.
Nasa 174 na mambabatas ang bumoto pabor sa House Bill 10959 o Overseas Filipino Workers Remittance Protection Act kung saang bibigyan ng 50% na diswento sa remittance fee ng mga OFW sa pamamagitan ng bangko o non-banking institutions.
Ang panukala ay pangunahing iniakda ni Senior Deputy Speaker Aurelio Gonzales Jr. at inisponsoran naman ni House Assistant Majority Leader Jude Acidre na siyang tagapangulo ng House Committee on Overseas Workers Affairs.
“This provides incentives to encourage remittance centers to grant the discount. The centers may claim the discounts granted as tax deductions based on the cost of services rendered to OFWs to be treated as ordinary and necessary expense deductible from their gross income,” ani Acidre.
Sabi ni Speaker Martin Romualdez, isa ito sa paraan para ipakita ang pagkilala at pagkalinga ng pamahalaan sa mga OFW.
Batay sa datos, kada taon, umaabot ang halaga ng remittances na ipianpadala ng mga OFW ng hanggang $30 billion na malaking tulong sa pagpapalago ng ekonomiya ng bansa.
“This is one way of showing our unsung heroes, our more than 10 OFWs across the globe, that we really care for them, and we have the compassion to help them lighten their burden for all their sacrifices, being the breadwinners of their families,” ani Speaker Romualdez.
Nakapaloob sa panukala na lahat ng bangko at non-bank financial intermediaries, ay pagbabawalan na magtaas ng kanilang kasalukuyang remittance fee nang walang konsultasyon sa Departments of Finance (DOF), of Migrant Workers (DMW) at Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).
Sakop nito ang lahat ng remittance ng mga OFW, boluntaryo man o salig sa batas, kautusan, panuntunan at regulasyon.
Ang mga lalabag sa panuntunan na nakapaloon sa panukala ay mahaharap sa pagkakakulong ng anim na buwan hanggang anim na taon at multa na P50,000 at hindi hihigit sa P750,000.
Kabilang sa mga ipinagbabawal ang:
A) Maling paggamit o conversion, na magdudulot ng pinsala sa OFW o benepisyaryo, ng mga foreign exchange remittances na natanggap sa tiwala, o sa komisyon, o para sa pangangasiwa, o sa ilalim ng iba pang obligasyon bilang bahagi ng tungkuling paabot, o ibalik, o pagtanggi na nakatanggap ng naturang foreign exchange remittance,
B) Pagkuha ng foreign exchange remittances nang walang pahintulot ng OFW o benepisyaryo,
C) Pagpapataw ng mga bayarin sa remittance na lampas sa mga itinakda sa batas na ito,
D) Pagkabigong ipaskil sa nakikitang lugar ang halaga sa Philippine Peso ng foreign currency na sakop ng transaksyon; at,
E) Pagkabigong magsagawa ng konsultasyon sa DOF, BSP at DMW bago itaas ang mga bayarin sa remittance. | ulat ni Kathleen Forbes