Prinesenta na ni Senate Committee on Finance chairperson Senadora Grace Poe ang committee report sa nabuong bersyon ng Senado ng panukalang 2025 National Budget o ang 2025 General Appropriations Bill (GAB).
Ayon kay Poe, kabilang sa mga binigyang prayoridad ng kanilang panukalang 2025 budget ay ang social services, kalusugan, edukasyon, trabaho, teknolohiya, imprastraktura at human develpment.
Pagdating sa sektor ng kalusugan, dinagdagan ng Senado ang pondo para sa Health Facilites Enhancement Program Fund ng Department of Health (DOH).
Sa pamamagitan nito ay matitiyak na magkakaroon ng nararapat na medical supplies at pasilidad ang nasa 700 rural health units, 300 local governemnt units at mga DOH hospitals at clinics sa buong bansa.
Dinagdagan rin ang pondo para sa School-based Feeding Program para sa mga undernourished na mga estudyante.
Sa sektor naman ng edukasyon, tiniyak ni Poe ang P9.9 billion para sa teaching materials ng mga public school teachers.
Nagkaroon rin aniya ng overall increase sa budget ng mga higher education institutions sa buong bansa at malaking bahagi nito ay napunta sa colleges of medicine at allied health programs.
Pagdating sa social protection program, tuloy pa rin ang pagpopondo para sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), food stamps, pension ng mga indigent senior citizens, at Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS).
Sa sektor ng transportasyon, patuloy pa rin ang subsidiya para sa mgas PUV drivers sa 2025 at ipagpapatuloy rin ang pagpopondo sa service contractiong program.
Sa teknolohiya naman, sinabi ni Poe na suportado ng Senado ang pagkakaroon ng episyente at responsableng paggamit ng modernong teknolohiya lalo na sa paglaban sa mga krimen at sa mabilis na pagbibigay ng hustisya.
Kaugnay nito, paglalaanan ng pondo ang paggamit ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) at ng Judiciary ng artificial intelligence (AI).| ulat ni Nimfa Asuncion