Aprubado na sa plenaryo ng senado ang panukalang 2025 budget ng hudikatura kung saan kabilang ang korte suprema, lower courts, presidential electoral tribunal, sandiganbayan, court of appeals at court of tax appeals.
Una dito, natanong ni senate minority leader koko pimentel ang nasa P23 billion na hiling ng judiciary na pondo pero hindi naigawad ng executive branch sa ilalim ng National Expenditure Program (NEP).
Nasa P84 billion kasi ang hiling sanang pondo ng judiciary sa susunod na taon pero P61 billion lang ang nakapaloob sa NEP.
Pagdating sa Senado, dinagdagan ito ng P2 billion kaya nasa P63 billion ang nasa Senate version ng 2025 budget ng hudikatura.
Ayon kay Senate Committee on Finance Chairperson Senadora Grace Poe, pinakamaaapektuhan ng budget cut na ito ang plano sana ng hudikatura na pasweldo sa plano sana nilang magdagdag ng bagong mga posisyon sa mga korte.
Kasama na dito ang mga dagdag abogado para mas mapabilis ang usad ng mga kaso na nakahain sa mga korte.
Sa ngayon, para matugunan ito ay mas pinalakas ng judiciary ang kanilang ICT projects, paggamit ng artificial intelligence at video conferencing.
Tiniyak naman ni Poe na dagdag tulong lang ang AI pero hindi pa rin nito mapapalitan ang human judgement pagdating sa mga kaso. | ulat ni Nimfa Asuncion