Lusot na sa House Committee on House Committee on Games and Amusement ang panukalang batas para tuluyan nang ipagbawal ang Philippine Offshore Gaming Operator o POGO sa bansa.
Inaprubahan ng komite ang substitute bill para sa House Bill 10987 ni Senior Deputy Speaker Aurelio Gonzales Jr, kasama ang iba pang panukala at resolusyon na nagtutulak din sa pagbabawal na ng POGO.
Mabilis lang pinagtibay ng komite ang panukala lalo na at mayroon na anilang kautusan ang Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kaniyang pinakahuling SONA na hanggang December 31 na lang ngayong taon ang operasyon ng mga POGO na sinundan ng paglalabas ng Executive Order 75 nito lang November 7.
“I don’t know if the resource persons will object to these measures, simply because the President has already spoken, and what the President says regarding the issue becomes a policy statement of the nation,” sabi ni Antipolo City 2nd district Rep. Romeo Acop
Batay naman sa ulat ng PAGCOR, hanggang nitong November 18, sa 43 Internet Gaming Licensees o yung mga ligal na POGO, 27 na lang ang natitira sa operasyon na nasa proseso na rin ng winding down.
Plano na rin aniya nila maglabas ng cessation order bago mag Disyembre upang masiguro na wala nang POGO na nasa operasyon bago matapos ang taon.
Ayon naman sa Department of Labor and Employment o DOLE na nasa 27,790 na mga Pilipino na direktang maaapektuhan ng pagpapasara sa mga POGO.
Habang may 2,777 na indirect workers na apektado ang na-profile.
Hanggang nitong November 12 naman ay nagkansela na ang DOLE regional offices ng nasa 36,000 na alien employment permits o AEP ng foreign nationals sa mga IGLs. | ulat ni Kathleen Forbes