Tinalakay na sa plenaryo ng Kamara ang panukalang batas para patawan ng discount ang bayad sa pagpapadala ng remittance ng mga OFW.
Agad lumusot sa 2nd reading ang HB 10959 o Overseas Filipino Workers (OFWs) Remittance Protection Act, na pangunahing iniakda ni Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales Jr.
Dito, 50% na diskwento ang ibabawas sa fees at charges na ipinapataw sa pagpapadala ng remittance.
Magbibigay insentibo naman sa mga remittance centers sa mga tatalima dito.
“(The centers) may claim the discounts granted as tax deductions based on the cost of services rendered to OFWs to be treated as ordinary and necessary expense deductible from their gross income,” sabi ni House Committee on Overseas Workers Affairs Chair Jude Acidre na nagsponsor ng panukala.
Aprubado na rin sa ikalawang pagbasa ang HB 10914, na magbibigay ng libreng financial education para sa mga OFW at kanilang pamilya.
Paraan ito para mailayo ang mga OFW at kanilang kaanak mula sa investment scams, at tulungan silang mapalago ang ipon.
Lahat ng OFW ay sasailalim sa mandatory financial literacy training seminars, na magiging bahagi ng Pre-Departure Orientation Seminar (PDOS) at Post Arrival Training Seminars (PATS). | ulat ni Kathleen Forbes