Hinimok ngayon ni Cong. Brian Yamsuan ang mga local government units (LGUs) na magsama-sama at magkaisa para labanan ang online sexual abuse and exploitation of children (OSAEC) sa pamamagitan ng pagtatatag ng mga community-based programs at pagpapasa ng mga ordinansa para ito ay masawata.
Paalala ni Yamsuan na sa ilalim ng Republic Act 11930 o Online Sexual Abuse and Exploitation of Children (OSAEC) And Anti-Child Sexual Abuse or Exploitation (CSAEM) Act, ang mga sanggunian or LGU councils ay binibigyang mandato na magpasa ng mga ordinansa para mapanagot ang mga nasa likod ng krimen na ito.
“We should further strengthen our efforts to put an end to this societal menace that violate the rights of children, destroy their dignity, and leave them emotionally scarred for life. We urge our LGUs to bring our fight against the sexual abuse of children, whether online or offline, down to the community level,” sabi ni Yamsuan.
Ang panawagan ng mambabatas ay kasunod ng ibinabang hatol ng korte sa Pransya laban sa graphic artist na si Bouhalem Bouchiba na sangkot sa panggagahasa ng mga menor de edad sa Pilipinas, maliban pa sa kasong human trafficking at viewing of child pornography online.
“Ang mga ganitong kasuklam-suklam na krimen ay dapat na hindi pinapalagpas . Kaya naman tulad ng unang nasabi na ng DILG, pinapaalalahanan natin ang mga opisyal ng barangay na huwag na huwag na papayag na ma-settle o maayos na lamang kapag may nai-report sa kanila na mga kasong sexual abuse sa mga bata, maging offline or online man ito,” diin pa niya.
Bilang pakikiisa sa National Children’s Month ngayong buwan, dapat aniyang magsilbing paalala na pinaka lantad sa pang aabuso ang mga kabataan kaya’t kailangan pagtulungan na sila ay protektahan.
Kagyat aniya dapat na ireport ng mga opisyal ng barangay ang anomang insidente ng OSAEC gayundin ay makipag tulungan sa Department of Justice, Philippine National Police, National Bureau of Investigation, Department of Social Welfare and Development, para sa epektibong pagpapatupad ng Anti-OSAEC Laws. | ulat ni Kathleen Forbes