Dismayado ang mga mambabatas sa mataas pa ring presyo ng bigas sa merkado sa kabila ng kautausan ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na bawas ang taripa ng imported na bigas mula 35% patungong 15%.
Sa pagsisimula ng pagdinig ng “Murang Pagkain Supercommittee” o Quinta Committee, pinuna ni overall lead chair Joey Salceda ang pagsipa ng rice inflation.
Batay kasi sa ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) nakapagtala ng 9.6 percent na rice inflation noong Oktubre, mas mataas kumpara sa kaparehong buwan noong nakaraang taon.
Ayon kay Rachel Lacsa ng PSA, ang pagkakaiba sa numero ay dahil sa ipinaatupad na price cap ng Pangulo noong Setyembre ng 2023.
Suspetsa tuloy ni Salceda, mga rice cartel na lang ang nakinabang sa kautusang ito.
Maging si House Deputy Majority Leader Erwin Tulfo nanghihinayang sa dapat sanang benepisyo ng mga mahihirap Pilipino sa binawasang taripa dahil nananatili pa rin sa P50 hanggang P60 ang presyo ng bigas.
Maliban dito, malaking halaga din ang nawala sa gobyerno dahil sa pinababang taripa.
Paniwala ni Tulfo, baka dapat nang ihinto ang bawas taripa dahil mga importers lang naman ang nakikinabang dito.
Ayon naman kay Agriculture Undersecretary Asis Perez, batid ng DA ang sentimiyento ng mga mambabatas.
Magpupulong aniya sila bukas kasama ang NEDA at iba pang ahensya ng pamahalaan para i-review ang naturang tariff reduction.
Ngunit batay na rin aniya sa pagtaya ng NEDA posibleng tapusin na ang bawas taripa sa Pebrero ng susunod na taon lalo at pagsapit ng Marso ay panahon na ng anihan.| ulat ni Kathleen Forbes