Sinimulan na ng Philippine Coast Guard District Bicol ang pag-dispatch ng mga Deployable Response Group para sa pagsasagawa ng mga rescue operations habang papalapit ang Super Typhoon Pepito sa kalupaan ng Bicol Region.
Sa pinakahuling ulat ng PCG Bicol, nasa 123 personnel sa hanay ng Deployable Response Group ang nakadeploy na para magsagawa ng evacuation at rescue operation.
Kabilang din sa mga idinispatch ng PCG Bicol ay ang mga floating asset na gagamitin sa isasagawang operasyon. Mayroong dalawang high speed response boat, isang metal shark boat, 24 na aluminum boat, limang rubber boat, tatlong trucks at walong pick-up ang gagamitin ng PCG Bicol.
Samantala, tinututukan din ng PCG Bicol ang bilang ng mga pasaherong na-stranded sa iba’t ibang pantalan sa rehiyon. Naroon na ang DSWD upang magbigay ng tulong at asistensya sa mga na-stranded na pasahero.
Inaasahan ngayong gabi mararamdaman ang bagsik ng Super Typhoon Pepito.| ulat ni Garry Carl Carillo| RP1 Albay