Pinag-aaralan pa ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang kahilingan ng ilang taxi operators na itaas ang kasalukuyang flag-down rate sa Php 60.00.
Sinabi ni LTFRB Chairperson Teofilo Guadiz III, may ilang factors na dapat isaalang-alang kabilang ang epekto nito sa inflation.
Bagama’t nagkaroon kamakailan ng pagtaas sa flag-down rate, patuloy pa ang masusing pag-aaral para sa kahilingang Php 60.00.
Ayon sa LTFRB, humirit ng taas pasahe ang mga taxi operator noong Hunyo 24, 2022, ng mula Php 40.00 hanggang Php 60.00.
Noong Setyembre 16, ng aprubahan ang Php 5.00 na taas pasahe na naglagay sa flag-down rate sa Php 45.00.
Naitaas pa ang flag-down rate sa Php 50.00 ng humirit pa ng taas pasahe ang mga taxi operator noong Oktubre 7, 2022.
Sa pagtaas aniya sa Php 60.00 na flag-down rate, kailangan munang matukoy ng gobyerno ang epekto nito sa ekonomiya kabilang ang presyo ng mga pangunahing bilihin.
Pagtiyak ni Guadiz sa mga taxi operator na ginagawa na ito ngayon ng LTFRB.| ulat ni Rey Ferrer