Nagpahayag ng buong suporta ang Bureau of Internal Revenue (BIR) sa pagkakalagda ng Republic Act No. 12066 (RA 12066) o ang Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises to Maximize Opportunities for Reinvigorating the Economy (CREATE MORE) Act.
Sa isang pahayag, ipinunto ni BIR Commissioner Romeo Lumagui Jr. na paiigtingin ng batas ang “investments-led growth” ng bansa at isusulong ang pagiging prime investment destination ng Pilipinas.
Dagdag pa nito, layon din ng batas na padaliin ang Value Added Tax (VAT) refund system sa pamamagitan ng pagbabawas ng documentary requirements para maging mas investment-friendly ang Pilipinas.
Sa panig ng BIR, tiniyak ni Commissioner Lumagui na ipatutupad nito sa lalong madaling panahon ang tax incentives sa ilalim ng CREATE MORE Act.
Magsasagawa rin aniya ang BIR ng public information campaign upang makapagbigay kaalaman at makahikayat ng mas maraming mamumuhunan.
“The BIR fully supports PBBM’s thrust towards investments-led growth, through the CREATE MORE Act. It is time to make the Philippines into a prime investment destination,” ani Commissioner Lumagui. | ulat ni Merry Ann Bastasa