Kumpiyansa ang HSBC Philippines sa pagiging “rising star” ng Pilipinas sa rehiyong Asya.
Base sa HSBC Global Research, tinataya ng international bank ang pangmatagalang pag-unlad ng ekonomiya ng Pilipinas kung saan maaabot nito ang 6.7 percent na gross domestic product (GDP) sa taong 2026.
Ayon kay HSBC President and CEO Sandeep Uppal, hindi lamang nila inaasahan na magiging “rising star” ang Pilipinas sa ASEAN bagkus sa buong rehiyong Asya.
Dagdag niya na plano ng bangko na itulak ang economic growth and sustainability partikular na naka-focus sa strategic investments and partnerships para suportahan ang development goals ng bansa.
Paliwanag nito, kailangan lamang makamit ng bansa ang 7% na paglago ng GDP at umabot ito sa double digits figures sa mga susunod pang taon.
Aniya, bilang isang banko na may malalim na kaalaman sa merkado, importante na kaakibat ng paglago ng ekonomiya ang matibay na kooperasyon sa pagitan ng gobyerno at pribadong sektor.
Ayon sa pag-aaral, tinatayang nasa 5.8% ang GDP ng 2024, 6.4% sa 2025, habang sa taong 2026 ay inaasahan itong papalo sa 6.7%–maituturing na magiging kabilang ang Pilipinas sa mga pinakamagaling na performer sa region at pinakamataas sa ASEAN bloc. | ulat ni Melany Valdoz-Reyes