Muling itinaas ng Magat Dam ang pinapakawalan nitong tubig dahil sa patuloy na pagtaas ng antas ng tubig dulot ng Bagyong Pepito.
Ayon sa National Irrigation Administration-Mariis Dam and Reservoir Division (NIA-MARIIS DRD), kaninang alas-7 ng umaga ay itinaas sa hanggang apat na metro ang nakabukas na spillway gate sa Magat Dam.
Ngayong alas-8 ng umaga, magbubukas pa ng karagdagang isang spillway gate ang naturang dam partikular ang Gate no. 5 na may taas na isang metro at magpapakawala ng tinatayang 171 cubic meters per seconds ng tubig.
Magpapatuloy ang dagdag na dam discharge hanggang mamayang ala-una ng hapon.
Inaasahan na aabot sa limang gate na may tig-dalawang metrong opening at discharge na 1,961 cms ang bubuksan sa Magat Dam.
Patuloy na pinapayuhan ang publiko, lalo na ang mga nasa mabababang lugar at flood-prone areas, na maging alerto at sundin ang mga paalala mula sa lokal na pamahalaan. | ulat ni Merry Ann Bastasa