Patuloy ang isinasagawang pamamahagi ng tulong pinansyal ng Police Regional Office 5 (PRO5) sa pamumuno ni Police Brigadier General (PBGEN) Andre P. Dizon, Regional Director, para sa mga kapwa pulis na nasalanta ng bagyong “Pepito.”
Ayon sa PRO5, nakatanggap ng tulong pinansyal ang 24 na miyembro ng kapulisan mula sa Regional Headquarters Unit (RHQ) na labis na naapektuhan ng kalamidad. Ang mga benepisyaryo ay mula sa iba’t ibang yunit ng PNP na nasalanta ng bagyo at kasalukuyang nangangailangan ng tulong upang makabangon mula sa epekto ng kalamidad.
Bukod sa mga miyembro ng RHQ, naglaan din ng karagdagang suporta ang PRO5 para sa mga finance PNCO (Police Non-Commissioned Officers) mula sa bawat provincial at city police office. Ang tulong ay naglalayong matulungan ang mga PNP personnel na patuloy na nagsisilbi at nagpapaigting ng seguridad sa kanilang mga komunidad, sa kabila ng mga hamon dulot ng kalamidad.
Sa kanyang pahayag, sinabi ni PBGEN Dizon na ang hakbang na ito ay bahagi ng patuloy na adbokasiya ng Philippine National Police (PNP) upang tiyakin ang kapakanan ng kanilang mga personnel, lalo na sa mga panahon ng kalamidad.
Tiniyak ni PBGEN Dizon na patuloy na bibigyan ng pansin ng PNP ang kalagayan ng kanilang mga tauhan at mga komunidad upang masiguro ang mabilis na pag-recover at pagbangon mula sa mga sakuna. | ulat ni Garry Carl Carillo | RP1 Albay