Bilang paghahanda sa nalalapit na National and Local Elections sa May 2025, magsasagawa ang Philippine National Police (PNP) ng “verification” at “physical accounting” ng mga baril sa mahigit 2,000 type 5-gun owners sa bansa.
Ayon kay PNP spokesperson Brig. Gen. Jean Fajardo, ang Civil Security Group (CSG) ang mangunguna sa beripikasyon ng mga armas.
Ito ay alinsunod sa RA No. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act na layong masiguro ang kaayusan at kaligtasan ng publiko sa panahon ng halalan.
Ang type 5 license ay ibinibigay sa mga indibidwal na pinapayagang magmay-ari ng mahigit 15 baril.
Paliwanag ni Fajardo, padadalhan ng sulat ang mga may-ari ng baril mula sa CSG bago ang inspeksyon.
Nilinaw din ng Fajardo na ito ay iba pa sa “Oplan Katok” na nakatutok sa mga paso na lisensya ng baril.
Maaari naman maharap sa administrative sanction ang may-ari ng baril na lalabag sa mga regulasyon. Kabilang sa mga posibleng paglabag ang hindi pagtutugma ng address sa lisensya at hindi ligtas na pagtatago ng mga baril. | ulat ni Diane Lear