Paiigtingin pa ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang kampanya na lansagin nang tuluyan ang POGO sa bansa, maging ito man ay pisikal o online.
Inihayag ito ng PNP kasunod ng inilabas na Executive Order no. 74 ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na nagtatakda hanggang sa katapusan ng taon ang mga POGO sa bansa at lansagin ang mga iligal na operasyon nito.
Kaugnay nito, nagtatag ang PNP ng Task Force Skimmer na siyang mangunguna sa pagbuwag ng POGO related activities.
Sa pamamagitan nito, tiwala ang PNP na mapoprotektahan na ang mga komunidad mula sa mga negatibong implikasyon ng POGO partikular na sa antas ng naitatalang krimen.
Hiniling naman ng PNP ang kooperasyon ng publiko na i-ulat sa kanila ang anumang impormasyon hinggil sa mga hinihinalang operasyon ng POGO sa kanilang lugar. | ulat ni Jaymark Dagala