Wala pang pinal na desisyon ang Department of Agricilture (DA) sa usapin ng pag-aangkat ng puting sibuyas at ilang piling gulay.
Ayon kay DA Secretary Francisco Tiu-Laurel Jr., pinag-aaralan pa rin ito ng Bureau of Plant Industry kasunod ng malaking epekto ng magkakasunod na bagyo kung saan napuruhan ang mga lalawigang pinagmumulan ng highland at lowland vegetables sa merkado.
Aminado ang kalihim na may nakikita itong pangangailangan na mag-import ng karagdagang suplay ng puting sibuyas dahil tumaas muli ang presyo nito sa ₱120 mula sa dating ₱80 lamang kada kilo.
Bukod sa sibuyas, may bahagyang pagbaba din aniya sa ngayon sa suplay ng carrots, kamatis, at ng broccoli.
Batay sa presyuhan sa bantay presyo, sumipa na ang presyo ng carrots at kamatis sa ₱150 hanggang ₱230 per kilo.
Una nang sinabi ng DA na kasama rin sa plano nito ang kumuha ng karagdagang suplay ng gulay sa iba pang vegetable producing areas sa Visayas at Mindanao. | ulat ni Merry Ann Bastasa