Mahigpit na binabantayan ngayon ng PAGASA ang ilang mga dam dahil sa banta ng paparating na Bagyong #PepitoPH.
Sa pulong balitaan sa NDRRMC, sinabi ni Richard Orendain, Hydrologist ng PAGASA na posibleng umapaw ang mga dam sa Central Luzon at Metro Manila dahil sa inaasahang malakas na pag-ulan dulot ng bagyo.
Ayon kay Orendain, pinagtutuunan ng pansin ang Magat Dam na kasalukuyang may dalawang bukas na gate at may discharge na umaabot sa 1,050 cubic meters per second. Ang kasalukuyang antas ng tubig nito ay nasa 188.56 meters at nadagdagan ng 2.17 meters.
Ang Angat Dam naman ay nangangailangan pa ng 235 mm ng ulan bago mapuno, at posibleng maabot ito kapag nanalasa ang Bagyong Pepito. Kapag nangyari ito, maaaring magdulot ng pagbaha sa mga karatig-lugar.
Ang Ipo Dam ay nasa downstream ng Angat Dam, kaya’t aasahan ang pagtaas ng lebel ng tubig dito kapag nagpakawala ng tubig ang Angat.
Samantala, ang Lamesa Dam sa Quezon City ay nasa critical level na rin. Kung tatamaan ng malakas na ulan ang Metro Manila, posibleng umapaw ito at magdulot ng mga pagbaha.
Gayundin, ang San Roque Dam na bagama’t isinara kahapon ang gate ay maaaring buksan muli ito dahil sa posibleng dami ng tubig na dala ng bagyong Pepito.| ulat ni Rey Ferrer