Kani-kaniyang pakulo ang mga pantalan ng Philippine Ports Authority (PPA) sa iba’t ibang bahagi ng bansa upang masigurong komportable at ligtas ang mga pasahero ngayong panahon ng Undas.
Sa Port of Dumaguete, naglagay ang Port Management Office Negros Oriental/Siquijor (PMO NOS) ng libreng Halloween photobooth at namigay ng popcorn sa mga pasahero noong Oktubre 31.
Layunin ng mga aktibidad na ito na magbigay ng Comfortable, Convenient, Secure, and Safe Travel Experience (CCSTE) sa mga pasahero sa pantalan.
Sa Port of Culasi, Roxas City, Capiz at Fort San Pedro Terminal, Iloilo City, nagsagawa naman ang PMO Panay/Guimaras ng blood pressure checking upang matiyak ang kalusugan ng mga pasahero bilang bahagi ng nagpapatuloy na Oplan Biyaheng Ayos ngayong Undas 2024.
Samantala, namahagi ang mga tauhan ng Port Management Office Davao-TMO Babak ng libreng lugaw at tsokolate sa mga pasahero kahapon, Nobyembre 1. Isang tradisyon na umano ito ng PMO tuwing Undas.
Tulad sa Davao, sa Port Terminal Complex sa Iligan, nagbigay din ng lugaw ang PMO Lanao del Norte/Iligan sa halos 90 pasahero nito, na pinangunahan ni Acting Port Manager Arthur Nogas kasama ang mga tauhan mula sa Port Police at Philippine Coast Guard (PCG).
Patuloy naman ang PPA sa kanilang mga programa upang masigurong komportable at masaya ang biyahe ng bawat pasahero ngayong Undas. | ulat ni EJ Lazaro