Sinimulan nang ipatupad ngayong hapon ng lokal na pamahalaan ng Virac ang pre-emptive evacuation para sa mga pamilyang naninirahan sa mga delikadong lugar, partikular sa mga flood/landslide-prone areas.
Sa panayam ng Radyo Pilipinas kay MDRRMO Virac Operations Head Mark Matira, sinabi nitong handa at bukas na ang evacuation centers ng bawat barangay sa Virac, kabilang na ang ilang mga simbahan. Bukas din ang malalaking evacuation centers sa sentro ng Virac para sa nais magsilikas, ang Virac Sports Center at PAGCOR evacuation center sa barangay Cavinitan.
May ilan-ilang pamilya na aniya ang mas maagang lumikas at nasa ilang evacuation centers na ng mga barangay sa ngayon.
Nakikiusap si Matira sa mga residenteng alam namang binabaha o di kaya’y madalas gumuho ang lupa sa kanilang lugar na lumikas na ng maaga at huwag nang maghintay sa kasagsagan ng bagyo para magpa-rescue.
Una nang naglibot kahapon ang MDRRMO team sa mga barangay para sa desiminasyon ng preparedness measures sa mga Barangay DRRMCs.
Patuloy pa rin sa ngayon ang kanilang ginagawang mga kaukulang hakbang bilang paghahanda sa posibleng epekto ng bagyong #PepitoPH sa lalawigan. | ulat ni Juriz Dela Rosa | RP1 Virac