Ramdam na sa mga pamilihan ang kakapusan sa suplay ng sariwang galunggong bunsod na rin ng epekto ng pagpapatupad ng Closed Fishing Season.
Sa pag-iikot ng Radyo Pilipinas sa Kalentong Market sa Mandaluyong, halos wala nang nagbebenta ng sariwang galunggong at sa halip, naiwan na lamang ang mga nagbebenta ng “frozen.”
Nagresulta naman ito sa pagmahal ng bentahan ng galunggong na nasa ₱260 na ngayon buhat sa dating ₱180 ang kada kilo at posible pang pumalo sa ₱300 ang presyuhan nito sakaling magtuloy-tuloy ang kakaunting suplay.
Nabatid na nagsimula na nitong Nobyembre ang Closed Fishing Season sa hilagang-silangang bahagi ng Palawan na tatagal ng tatlong buwan o hanggang Enero ng susunod na taon.
Una nang ipinaliwanag ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na ang hakbang na ito ay ipinatutupad kada taon para bigyan ng pagkakataon na magparami ang mga isda. | ulat ni Jaymark Dagala