Presyo ng gulay, posibleng manatiling mataas dahil sa epekto ng sunod-sunod na bagyo

Facebook
Twitter
LinkedIn

Aminado ang Department of Agriculture (DA) na posibleng magtuloy tuloy pa sa mga susunod na linggo ang nararanasan ngayong taas-presyo sa ilang gulay dahil sa epekto ng mga nagdaang bagyo.

Kabilang sa mga gulay na sumipa ang presyo sa ngayon ang ampalaya na umaabot hanggang ₱200 ang kada kilo, talong na nasa ₱150-₱220 ang kada kilo at kamatis na naglalaro sa ₱140-₱230 ang kada kilo.

Paliwanag ni DA Spokesperson Assistant Secretary Arnel de Mesa, hindi kakayanin ang dalawang linggong recovery time dahil sunod-sunod ang tumamang bagyo sa bansa na umabot pa sa ‘typhoon’ at ‘super typhoon’ category.

“Most likely, mananatiling mataas ang presyo ng gulay. Sabi natin noon, madaling maka-recover, pero iyon ay kung wala nang kasunod na bagyo. Kaya lang sunud-sunod kaya aabutin pa ng ilang panahon bago maka-recover,” ani De Mesa.

Karamihan din aniya ng mga lalawigang tinamaan ng bagyo ay mga major producer ng lowland vegetables gaya ng Cagayan Valley, Central Luzon, at Southern Luzon.

Kasunod nito, tiniyak naman ng DA na hindi aabot hanggang Pasko ang taas-presyo sa gulay.

Nananatili ring nakatutok ang kagawaran para alalayan ang mga magsasaka na makabangon agad sa epekto ng kalamidad. | ulat ni Merry Ann Bastasa

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us