Nagpaalala ang Quezon City Epidemiology and Surveillance Division sa publiko, na mag-ingat sa mga sakit dulot ng tag lamig na panahon.
Ginawa ito ng LGU matapos maramdaman ang malamig na panahon dahil sa pagpasok sa bansa ng Northeast Monsoon o Amihan Season.
Dahil dito, iba’t ibang panganib sa kalusugan ang maaaring maranasan kagaya ng karamdamang tulad ng trangkaso, malubhang impeksyon sa paghinga, dengue, at iba pang sakit.
Nagbigay ng ilang health at safety reminders ang pamahalaang lungsod para maiwasan ang sakit ngayong tag lamig.
Gawin umanong regular ang paghuhugas ng mga kamay at magsuot ng face mask, lalo na kung masama ang pakiramdam o di kaya ay manatili na lang sa bahay.
Kumain ng masustansyang pagkain para mapalakas ang resistensya at matulog ng sapat na oras, at iwasan ang direktang pakikisalamuha sa mga taong may sakit at magpabakuna laban sa flu at iba pang respiratory infections. | ulat ni Rey Ferrer