Mismong si Quad Comm lead Chairperson Robert Ace Barbers ang nagsabi na titiyakin ng komite na ibibigay ang paggalang at respeto sa dating pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ay kasabay ng pagharap ng dating pangulo sa ika-11 pagdinig ng komite ukol sa isyu ng ipinatupad na ‘war on drugs’ ng nakaraang administrasyon at ang iniuugnay na ‘extrajudicial killings’ dito.
Sabi pa niya na hindi nila hinuhusgahan ang dating pangulo bagkus ay nais marinig ang kaniyang paglilinaw kaugnay sa mga ibinabatong isyu sa kaniya.
“Sa pagpapatuloy po natin ngayon sa pagdinig na ito ukol sa ‘extrajudicial killings’, nais po naming tiyakin sa inyo na rerespetuhin po namin ang lahat ng inyong mga karapatan. Hindi po kami naririto upang kayong husgahan kundi pakinggan ang inyong panig. Abogado naman po kayo kaya alam namin na mas alam ninyong pangalagaan ang inyong mga karapatan. Iginagalang po namin kayo and in deference to you being the former President of the Republic, we shall accord to you all the respects due you, kung kaya’t binuksan namin ang pagdinig na ito upang hindi po masayang ang pagod ninyo sa pagdalo ninyo sa amin,” sabi ni Barbers.
Punto ng Surigao solon na nabuo ang Quad Comm dahil sa pagkakaugnay-ugnay ng mga isyu ng POGO, iligal na droga, at EJK.
Dito aniya lumabas ang posibleng pagkakasangkot ng ilang matataas na opisyal ng gobyerno kasama na ang dating pangulong Duterte.
Kaya naman aniya. hindi ito ‘political ploy’ at ginagamit para hanapan ng basehan ang pagsasampa ng kaso laban sa dating chief executive.
Kung mayroon mang aniyang mga paratang laban sa dating pangulo na lumabas sa kanilang mga pagdinig, ay hindi ito galing sa Quad Comm bagkus ay mula sa mga taong nagsalaysay.
Kaya naman malaking bagay ang pagharap ni dating pangulong Duterte para ito ay kaniyang masagot at mabigyang linaw.
“Hindi kami naririto upang husgahan kayo kundi marinig sa inyo ang katotohanan at ang sagot sa mga paratang at mga pahayag laban sa inyo. Wala po sa amin dito ang nag-akusa sa inyo sapagkat hindi po kami ang may reklamo at may kaalaman sa mga pangyayari kundi ang mga ibang taong humarap dito,” sabi pa ni Barbers.
Bagamat wala aniya silang natanggap na pormal na komunikasyon na dadalo ang dating pangulo, nang malaman aniya nila ang impormasyon na nasa Maynila na ang dating presidente ay nagdesisyon silang ituloy na ang pagdinig upang hindi naman masayang ang kaniyang biyahe.
“Nagdesisyon ang Quad Comm members na ikansela sana ang pagdinig na ito ngayon sa kadahilanang hindi pa natatapos ang mga pagsusuri namin sa mga taong gustong lumabas at magpahayag ng kanilang mga nalalaman ukol sa mga usapin na tinatalakay ng Quad Comm, partikular ang pagkalat ng iligal na droga at extrajudicial killings…Kaya naman nang aming mabalitaan na darating ngayon sa kapulungang ito upang komprontahin ang Quad Comm kung bakit kinansela ang hearing kung kailan nandito na sa Manila ang dating Pangulo, ay minabuti na namin na ipagpatuloy na upang ma-take advantage namin ang inyong presensya,” dagdag niya. | ulat ni Kathleen Forbes