Aminado si Quad Comm overall chairperson Robert Ace Barbers na hindi nila alam na nakalabas ng bansa si dating PCSO General Manager Royina Garma.
Ito ang tugon ng mambabatas nang matanong kung nabalitaan ang pagkaka harang kay Garma sa US.
Una nang kinumpirma ni Barbers na wala na sa kustodiya ng Kamara si Garma pati si dating NAPOLCOM Chief Col. Edilberto Leonardo.
Ngunit may commitment aniya ang dalawa na sakaling kailanganin na ipatawag at paharapin sila sa pagdinig ng Quad Comm ay pupunta sila.
Bago maalis sa kustodiya ng Kamara si Garma ay pinayagan ito magpaospital dahil sa iniindang sakit sa lalamunan lalo at may history umano ng esophagial cancer ang kaniyang pamilya.
Si Garma ay isa sa mga inakusahang suspek sa pagpatay kay dating PCSO Board Sec. Wesley Barayuga.
Isiniwalat din ni Garma ang pagkakaroon ng reward system sa war on drugs ng nakaraang administrasyon.| ulat ni Kathleen Forbes