Lalo pang pinaigting ng Philippine Red Cross ang kanilang paghahatid ng tulong sa mga sinalanta ng Super Bagyong Pepito sa isla ng Polillio sa Quezon gayundin sa lalawigan ng Cagayan.
Ito’y para matulungan ang mga apektadong residente sa nabanggit na mga lugar sa kanilang mabilis na pagbangon mula sa epekto ng kalamidad sa kanilang mga bahay at kabuhayan.
Partikular na ipinadala ng Red Cross sa Polillio Island ang kanilang Humanitarian Caravan na kinabibilangan ng food truck gayundin ng kanilang response teams.
Kasalukuyan nang nasa Sitio Corrigidor sa Brgy. Libjo ang food truck ng Red Cross habang nasa Burdeos, Patnanungan at isla ng Jomalig ang kanilang response and assessment teams.
Samantala, mga yero at shelter tools kits naman ang hatid ng Red Cross sa lalawigan ng Cagayan para tulungan ang mga residente na nawalan ng bubong dahil sa sunod-sunod na bagyong tumama roon.
Ayon pa sa Red Cross, nasa kabuang 29,000 indibidwal na ang nabahaginan nila ng hot meals, 3,000 ang nabigyan ng psychological first aid, at 500 bata ang kanilang nabigyan ng child-friendly spaces.
Aabot din sa 30,000 litrong malinis na tubig ang naipamahagi ng Red Cross sa mga naturang lugar at nasa 3,500 indibidwal ang lumahok sa disease prevention and hygiene promotion activities. | ulat ni Jaymark Dagala