Tutulak na ngayong araw pa-Bicol ang 24 na truck lulan ang relief goods para sa mga komunidad na apektado ng magkakasunod na bagyo, pinakahuli ang bagyong Pepito.
Ang tulong na ito ay bahagi ng ikinasang Tabang Bikol, Tindog Oragon relief caravan ng Kamara sa pangunguna ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., katuwang si Speaker Martin Romualdez at Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian.
Sa pamamagitan ng nationwide donation drive, nakalikom ng pagkain, hygiene kits, damit, at iba pang batayang pangangailangan na siyang ipapamahagi sa relief drive.
Mayroon ding daan-daang sako ng bigas at canned goods mula sa iba’t ibang grupo gaya ng Tingog Party-list, PHILRECA National Irrigation Administration (NIA), at private donors.
Ngayong araw din isasagawa ang pamamahagi ng nasa ₱750 million na halaga ng financial aid sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS).
Habang sa November 21 naman idaraos ang mini Bagong Pilipinas Serbisyo Fair na sasabayan ng pamamahagi ng relief goods.
Inaasahang aabot sa higit 150,000 na benepisyaryo ang matutulungan ng Tabang Bikol, Tindog Oragon relief caravan.
Giit ni Speaker Romualdez ang relief caravan ay hindi lamang tulong pinansyal ngunit simbolo ng malasakit at pagkakaisa ng sambayanang Pilipino. | ulat ni Kathleen Jean Forbes