Hiniling ni Batanes Rep. Ciriaco Gato sa Department of Health (DOH) na solusyunan ang pagtatalaga ng kanilang opisyal tuwing weekend para iproseso ang mga guarantee letter (GL) ng mga pasyente.
Ayon kay Gato, nakatanggap siya ng mga hinaing ng mga pasyente na gumagamit ng GL pero minsan ay hindi maiproseso ang kanilang discharge o medical procedures tuwing Biyernes, Sabado at Linggo.
Importante aniya na pagtuunan ito ng health department dahil serbisyo sa bayan ang naaantala lalo na ang kanilang pangangailangang medikal.
Ayon naman kay DOH Usec. Maria Rosario Vergerie, ipararating niya ito sa opisyal ng MAIP upang agad na matugunan ang problema ng mga pasyente na may guarantee letters.
Aminado naman si DOH Region 2 Director Amelita Pangilinan, na nagkaroon sila ng problema sa pagpoproseso ng GL tuwing weekend sa kanyang rehiyon kaya naman ngayon anya ay nagtalaga sila ng opisyal na nakatoka 24/7 para iproseso ang mga GLs.
Ang guarantee letters ay ipinagkakaloob sa mga indigent patient, ito ay tulong medical para sa kanilang hospitalization cost at diagnostic procedures. | ulat ni Melany Valdoz-Reyes