Pinuna ni ACT-CIS party-list Rep. Erwin Tulfo ang pagliban ng Civil Service Commission sa pagtalakay ng Bill 8941 na layong atasan ang mga tanggapan ng pamahalaan at pribadong sektor na kumuha ng mga empleyado na may kapansanan o yung mga PWD.
Sa pagdinig kasi sa panukala na pangunahing iniakda ni Tulfo, hindi dumalo ang CSC at walang ibinigay na paliwanag kung bakit sila hindi makakapunta.
Sinita rin ng mambabatas ang mga ahensya ng pamahalaan sa tila hindi pagsunod ng mga ito sa pagbibigay ng posisyon o trabaho sa mga PWDs.
Giit ng mambabatas, kung hindi mangunguna ang gobyerno sa pagpapatupad nito ay paano pa susunod ang pribadong sektor.
“I want to ask them (CSC) bakit hindi pa nila naabot yung detalye na sinasabi natin for PWD. We should be the example in the government. Because if we show the example to others, especially the private sector, susunod naman yan,” ani Tulfo.
Dahil dito ay pinapa-subpoena ni Tulfo ang mga kinatawan at opisyal ng CSC para dumalo sa susunod na pag-dinig
Dismayado naman ang party-list solon na simula pa lang ay tinututulan na agad ng pribadong sektor ang panukala.
Dahilan aniya ng ilan sa samahan ng mga employers, kailangan nila maglagay ng bagong mga equipment para sa mga kukuning PWD at isailalim pa sila sa training.
Sakaling maisabatas, ang government agencies ay kailangan maglaan ng 1% ng kanilang posisyon para sa mga PWD.
Ganitong bilang din ang itatalaga ng mga pribadong kompanya na may higit 100 empleyado.
Kung ang pribadong kompanya ay mas mababa sa isangdaan ang empleyado ay hinihikayat pa rin sila na maglaan ng posisyon para sa mga may kapansanan na naghahanap ng trabaho. | ulat ni Kathleen Forbes