Kinilala ang Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) bilang “Most Sustainable Investment Hub in the Philippines” para sa taong 2024.
Ang parangal ay ipinagkaloob ng World Business Outlook Awards sa Marriott Marquis Queens Park, Bangkok, Thailand.
Ang prestihiyosong parangal ay inorganisa ng World Business Outlook magazine, na nagbibigay-pugay sa mga kumpanya at organisasyon mula sa iba’t ibang sektor tulad ng global banking, finance, real estate, healthcare, education, technology, at mining.
Personal na tinanggap ni SBMA Chairperson at Administrator Eduardo Jose L. Aliño ang parangal.
Ayon sa organizers, ang World Business Outlook Awards ay nagbibigay-pugay sa mga natatanging lider at mga matagumpay na estratehiya.
Anila, siniguro ng mga hurado na tanging mga nangungunang performer sa bawat sektor ang magwawagi.
Nagpasalamat si Chair Aliño sa pagkilala ng World Business Outlook, at binigyang-diin ang pagsusumikap ng SBMA na gawing isang sustainable investment hub ang Subic Bay Freeport Zone.
Hinimok din ni Chairperson Aliño ang lahat, na magpatuloy sa pagpapaunlad ng mga makabago at green technology upang mas mapalakas pa ang kanilang adbokasiya para sa sustainability. | ulat ni Melany Valdoz Reyes