Hinamon ni Secretary Larry Gadon ng Office of the Presidential Adviser on Poverty Alleviation ang mga mahistrado ng Supreme Court na aksyunan ang disbarment case na isinampa niya laban kay VP Sara Duterte-Carpio.
Kasabay ito ng pagbabanta na maghahain siya ng impeachment sakaling hindi umusad ang kanyang reklamo.
Sinabi ni Gadon na malinaw ang mga ebidensya laban kay Duterte matapos ang paglabag niya sa Cannon Law ng mga abogado.
Ang mga pagmumura at pagbabanta sa buhay nina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at House Speaker Martin Romualdez ay maliwanag umanong paglabag sa conduct and ethical standards ng mga abogado.
Kahapon, inihain ni Gadon sa Supreme Court ang disbarment case laban kay VP Sara Duterte-Carpio.
Ito na ang ikatlong disbarment case na kinakaharap ng Pangalawang Pangulo kung saan ang una ay ang panununtok niya sa Sheriff sa Davao City habang ang ikalawa ay ang banta na ipapahukay ang mga labi ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. sa Libingan ng mga Bayani at itatapon sa West Philippine Sea. | ulat ni Mike Rogas