Patuloy na isinusulong ng Securities and Exchange Commission (SEC) ang edukasyong pinansyal para sa mga Pilipino habang ipinagdiriwang ang ika-limang taon ng Investor Protection Week (IPW).
Noong Nobyembre inilunsad ng ahensya ang SEC Investor Fair sa kanilang punong tanggapan sa Makati City, bilang bahagi ng isang linggong aktibidad.
Ang kaganapang ito ay inspirasyon mula sa World Investor Week ng International Organization of Securities Commissions, na ginanap noong Oktubre.
Ayon kay SEC Chairperson Emilio B. Aquino, ang isang publikong may sapat na kaalaman sa pananalapi ang susi sa pagbubukas ng mas maraming oportunidad para sa paglago ng capital market at sa ekonomiya.
Dagdag pa niya, bilang tagapagtanggol ng mga mamumuhunan, nangunguna ang SEC sa kampanya para sa kaalamang pinansyal sa pamamagitan ng pagbibigay sa publiko ng tamang kaalaman kung paano pangalagaan ang kanilang kinabukasan sa pamamagitan ng maayos na pamamahala sa pananalapi at matalinong pamumuhunan.
Layunin ng Investor Protection Week na bigyang-diin ang kahalagahan ng edukasyon sa tamang pamumuhunan upang maprotektahan ang publiko mula sa mga mapanlinlang na aktibidad at mapalago ang kanilang mga ari-arian. | ulat ni Melany V. Reyes