Kinumpirma ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na nananatiling aktibo sa serbisyo si Lt. Col. Dennis Nolasco.
Si Nolasco ang siyang itinuro ni dating DepEd Special Disbursement Officer na si Edward Fajarda na naka-aalam kung saan dinadala ang Confidential Fund ni Vice President Sara Duterte sa ilalim ng kagawaran.
Ayon sa AFP, dating naka-assign si Nolasco sa Vice Presidential Security and Protection Group (VPSPG) subalit kasalukuyang ‘on schooling’ ito.
Magugunitang sa pagharap ni Fajarda sa pagdinig ng House Blue Ribbon Committee, sinabi nito na kay Nolasco lamang niya ibinibigay ang Confidential Fund sa sandaling makuha na ito sa bangko.
Gayunman, walang alam si Fajarda kung kanino o saan ibinibigay ni Nolasco ang pondo dahil ito aniya ang eksperto pagdating sa Confidential operations. | ulat ni Jaymark Dagala